Nakararaming Pinoy suportado ang drug war ni Digong – survey
MANILA, Philippines — Sa kabila ng pag-iingay ng mga kritiko ng Duterte administration, lumabas sa pinakahuling survey na sinusuportahan pa rin ng mas nakararaming Pinoy ang “drug war” ng pamahalaan.
Sa survey ng Pulse Asia mula Setyembre 24-30, lumilitaw na 88 porsyento ng mga Pilipino ang patuloy ang pagsuporta sa drug war ng pamahalaan samantalang 2 porsyento lamang ang hindi sumusuporta.
Sa nasabing survey sa 3rd quarter ay naniniwala rin ang 73 porsyento ng respondents na nangyari ang extrajudicial killing (EJK) habang ipinapatupad ang drug war habang 20 percent naman ng mga Pinoy ang hindi naniniwala na may naganap na EJK sa nasabing operasyon.
Karamihan ng mga Pinoy ay naniniwala na nangyari ang EJK sa Metro Manila (78 %) at 75 porsyento naman sa Luzon habang 68 porsyento at 67 porsyento naman sa Visayas at Mindanao.
Ayon naman kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, patunay lamang ito na dapat tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa illegal drugs. Aniya, welcome sa Malacañang ang ipinakitang suporta ng mayorya ng mga Pilipino sa anti-drug war ng gobyerno.
Magugunita na nakakuha ng 82% approval at trust ratings si Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Pulse Asia taliwas sa resulta ng Social Weather Station (SWS) kung saan ay bumagsak sa 48% ang trust at satisfaction ratings ng Pangulo.
Iniutos ni Pangulong Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangunahan ang drug war matapos alisin na ang operasyon sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies.
- Latest