Smoke Free Zone sa mga paaralan iniutos ng DepEd
MANILA, Philippines - Iniutos ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na maideklarang smoke free zone ang lahat ng paaralan sa elementarya at high school sa bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, layunin nilang tumugon sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng pam-publikong lugar sa bansa at magiging epektibo na sa Hulyo 23.
Bukod sa paninigarilyo, mahigpit ding ipinag-uutos ni Briones sa lahat ng school Superintendent, school pricipal at iba pang school official ang pagbabawal ng anumang uri ng bisyo, tulad ng pagsusugal at iba pa.
Sinabi ng kalihim, nakikipag-ugnayan na sila sa lahat ng local official, partikular sa health department upang matulungan sila sa monitoring at pagpapatupad ng kautusan.
Hinihiling din ng DepEd ang tulong ng mga awtoridad na bantayan ang mga tindahan na malapit sa mga paaralan na ipagbawal ang pagbebenta ng sigarilyo.
Samantala, aminado si Health Sec. Paulyn Ubial na isang malaking hamon ang pagpapatupad ng nationwide smoking ban ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naniniwala si Ubial na sa tulong ng local government units ay maipapatupad ang smoking ban sa buong bansa sa pamamagitan ng mga task force na siyang manghuhuli sa mga violators.
“We know that there might be some LGUs that will not comply with this. We are working doubly hard for the DILG (Department of the Interior and Local Government) and LGUs to eventually put this in full force,” wika pa ni Sec. Ubial sa media briefing sa Malacañang.
Isa sa nakikitang hamon din ay ang nakapaloob sa EO na nag-uutos sa mga establisments na maglagay ng enclosed smoking areas. Aniya, siguro mas madali kung magtatalaga na lamang na open smoking area na isang buffer zone.
- Latest





















