Toll collection points sa NLEX dinagdagan
MANILA, Philippines - Naglaan na ng dagdag na toll collection points ang pamunuan ng Metro North Tollways Corporation (MNTC) sa North Luzon Expressway simula April 12, Miyerkules Santo hanggang umaga ng April 13 o Huwebes Santo bunga ng inaasahang dagsa ang mga motoristang papasok at lalabas ng Metro Manila ngayong Semana Santa.
Ayon kay MNTC President Rodrigo Franco, nasa 15 porsyento ang inaasahan nilang paglobo sa bilang ng mga sasakyan na dadaan sa NLEX sa Mahal na Araw na katumbas ng nasa 250,000 na mga sasakyan.
Sa ilalim ng programang “Safe Trip Mo Sagot ko”, magdaragdag ang MNTC ng patrol vehicles at enforcers mula April 7 hanggang April 17 na kakalat sa mga kalsada para ayudahan ang mga motorista.
Sa April 7, 8, 12 at 13 naman ang Balintawak Toll Plaza ay magbubukas ng maximum na 30 toll collection points mula sa normal nilang 16. Magdadagdag din ang Mindanao Avenue Toll Plaza ng kanilang collection points sa 15 mula sa normal na 5.
Gagawin namang 29 ang toll collection points ng Tarlac Toll Plaza mula sa 5 at mula sa 4 na toll collection points ay magiging 12 na ang bubuksan ng Tipo Toll Plaza.
Ang Bocaue Toll Plaza naman ay itotodo ang kanilang collection points sa 53.
Bunga ng paggunita ng bansa sa Semana Santa, hinto lahat ang road works ng NLEX para matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa NLEX, SCTEX at Cavitex.
- Latest