480 volts ng kuryente sa Makati City sumabog 3 Kritikal
MANILA, Philippines - Sunog ang mukha at mga braso ng tatlong empleyado ng isang manpower agency na siyang nangangalaga sa mechanical at electrical maintenance ng isang malaking telecommunication company sa Makati City matapos sumabog ang 480 volts ng kuryente ng gusali kahapon ng madaling araw.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) ang mga biktimang sina Richmond Mesa, 37, preventive maintenance technician, Eladio Mesa Jr., 48, aircon technician at Rudy Galinzuga, 45. Lumalabas sa pagsisiyasat ni Homicide investigator PO2 John Marlou Garcia, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), naganap ang insidente alas-12:45 kahapon ng madaling araw sa 14th floor, Globe Building, na matatagpuan sa #111 Telepark, Valero St., Salcedo Village, Brgy. Bel-Air habang nagsasagawa ng electrical tapping ang mga biktima sa naturang tanggapan at sumabog ang 480 volts na kuryente kahit nakapatay naman ang circuit breaker dahilan upang makuryente ang mga biktima hanggang sa masunog ang kanilang mga mukha at braso.
Kaagad namang isinugod sa naturang ospital ang mga biktima ng rescue team.
Hanggang sa ngayon ay bigo pa rin ang mga imbestigador ng Makati City Police na makipag-ugnayan sa pamunuan ng naturang telecom company, dahil hinarang sila ng mga guwardiya habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa pulisya, posibleng maharap sa kasong Obstruction of Justice ang pamunuan ng naturang telecom company bukod pa sa kasong Negligence Resulting to Serious Physical Injury.
- Latest