Pagbabara sa daluyan ng tubig sinasadya raw
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na maaari nilang kasuhan ang sinuman na mahuhuling sinasadyang barahan ang mga daluyan ng tubig para pagkakitaan ang pagbabaha sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialogo, malaki ang kanilang hinala na sinasadya na ng mga istambay na barahan ang mga inlet patungo sa mga drainage para lumikha ng artipisyal na baha makaraang matanggal ng kanilang mga tauhan ang mga bato, styrofoams at iba pang pambara sa ilang mga kalsada.
Karaniwan na pinagkakakitaan ng mga istambay ang baha sa pagtatayo ng mga kahoy na tulay para makatawid sa kalsada ang publiko na kanilang sinisingil, pananaga sa mga pasahero ng mga pedicab drivers, pagpapasakay sa kariton kapalit ng bayad at pagtutulak sa mga tumirik na sasakyan.
Ayon sa MMDA, maaaring maharap sa kasong kriminal ang sinuman na mahuhuli at mapapatunayan na ginagawa ang pagbabara.
Lumilikha rin umano ang naturang modus ng impresyon sa publiko na walang ginagawa ang mga ahensya ng pamahalaan sa problema ng pagbaba. Ito ay sa kabila ng mga proyekto kontra baha at tuluy-tuloy na paglilinis sa mga estero ng mga tauhan ng MMDA.
Nagpapatuloy pa rin naman ang mga de-clogging at clean-up ng MMDA sa mga daluyan ng tubig kung saan ay kabilang sa kanilang natanggal sa isang creek sa may R. Papa sa Maynila ang isang lumang ataul na maaaring nanggaling sa kalapit na Chinese cemetery.
- Latest