Media killings lalabanan ng Binay admin
MANILA, Philippines - Hindi papayagan ni United Nationalist Alliance standard-bearer Vice President Jejomar Binay na magpatuloy ang pananakot at pamamaslang sa mga mamamahayag sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Aniya, walang lugar sa kaniyang administrasyon ang karahasan sa mga miyembro ng media dahil nirerespeto nito ang kalayaan sa pamamahayag.
Suportado ni Binay, ng kaniyang runningmate na si Senator Gringo Honasan, at ng UNA ang paghikayat ng National Press Club na ihayag ng mga kandidato ang kanilang posisyon sa pagpaslang sa mga mamamahayag.
Isa sa mga unang hakbang ng administrasyong Binay ay ang pagpapalabas ng executive order para sa People’s Ownership of Government Information o POGI Bill sa unang taon ng pamumuno nito. Ang panukalang batas na ito ay isinusulong ni Honasan sa Senado.
Sa ilalim ng pamamahala ni Binay, aatasan si Honasan, bilang anti-crime czar, na gawing prayoridad ang paglutas sa kaso ng media killings at pagsigurong may sapat na proteksyon ang mga mamamahayag.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng UNA na si Mon Ilagan, na dating mamamahayag, seryoso si Binay sa paglaban sa culture of impunity at media killings sa bansa.
Tiniyak niya sa NPC na pahahalagahan ng administrasyong Binay ang kalayaan ng media na magpahayag, at kasama ang UNA sa laban nito upang mabigyan ng hustisya ang lahat ng mga biktima ng karahasan sa mga mamamahayag.
- Latest