Ping sa Senado at SSS: Pasadahan uli ang pension hike
MANILA, Philippines – Hindi porke’t tinabla ni Pangulong Aquino ang P2,000 na karagdagang pensiyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS) ay tapos na ang boksing.
Ito ang naging mensahe ni dating Senador Panfilo Lacson sa isang panayam nang dumalaw siya sa Saint Mary’s University (SMU) sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Lacson, kailangang pag-aralan muli ng Senado at ng SSS kung may pondo pa para sa tamang dagdag-pensiyon sa mga retirado, na hindi naman magiging dahilan para mabangkarote ang ahensya.
Ang posibilidad na mabangkarote ang SSS sa 2027 ang ginawang pangunahing dahilan ng Pangulong Aquino sa pag-veto ng panukalang batas na magbibigay sana ng P2,000 umento sa buwanang pensiyon ng mga retiradong miyembro ng SSS.
“I think the SSS should be required to recalculate, recompute. Ano ang status ng standing ng finances sa SSS?” banggit ni Lacson sa pulong balitaan na ginanap sa Bayombong.
Kung magkakaroon ng pag-recalculate, maaaring masolusyunan ang pagkadismaya ng mga pensioners bunga ng desisyon ni PNoy.
Napansin din ng dating mambabatas na hindi naman nagkaroon ng mahabang talakayan o debate tungkol sa SSS pension sa Senado.
Nguni’t ayon din kay Lacson, kung lalabas pa rin sa pag-recompute na maaari pa ring mabangkarote ang SSS, kanyang susuportahan ang Pangulo sa pagtabla sa umento sa pensyon.
Ayon sa kanya, bagama’t ngayon ay kaliwa’t kanang pagbatikos ang inaabot ng Pangulo tungkol sa pagharang sa dagdag pensiyon, mas mainam na ito kumpara sa kung kailan pa siya nakabalik sa pagiging pribadong mamamayan ay saka pauulanan ng paninisi.
- Latest