MRT midnight deal pina-iimbestigahan sa Ombudsman
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Sen. Bongbong Marcos sa Office of the Ombudsman ang sinasabing midnight deal na pinasok ni DOTC Sec. Emilio Abaya para sa Metro Rail Transit (MRT) system.
Sinabi ni Marcos na nababahala sya na nagpatuloy pa rin ang pag-award ng DOTC sa P3.81 billion na maintenance contract sa isang Korean-led consortium kahit na maraming mga kwestyon sa kontrata kasama na rito ang pag-award nito na walang bidding.
“Ang kasunduan para sa akin ay napaka-kwestiyonable dahil walang bidding na nangyari. Sinabi ni Secretary Abaya na ito ay dahil sa emergency pero maraming sektor ang nagsabing isa lamang itong scheme para hindi makapag-bidding,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na dapat ang Ombudsman na ang umaksyon at mag-imbestiga kung talagang walang anomalya sa kontrata.
Ang Ombdusman ay may kapangyarihan na kusang mag-imbestiga at mag-prosecute sa kahit anumang reklamo ukol sa isang opisina ng gobyerno o kawani nito.
Binanggit din ni Marcos na napakahalaga ng imbestigasyon dahil mayroon ding mga anomalya sa ibang maintenance contracts na inaprubahan din ng DOTC at PH Trams noong 2012 hanggang 2013.
Nauna nang inaward ng DOTC ang P3.81 bilyon na contract para sa MRT 3 sa joint venture ng Korean group Busan Transportation Corp., Edison Development at Construction, Tramat Mercantile Inc., TMI Corp. Inc. at Castan Corp.
Pero sinabi ni Marcos na maraming grupo ang nagsabing walang kakayahan ang consortium dahil wala itong sapat na capitalization at ang mga lokal partners nito ay walang karanasan sa pag-aayos ng tren.
Ang kasunduan ay tinatawag na midnight deal dahil pinirmahan ito sa natitirang ilang buwan ng Aquino administration kahit na ang funding nito ay naplano na at naitalaga noong 2014 at 2015 national budget.
Ang pag-award nito ay inanunsyo ni Abaya noong Pasko kahit na ang gobyerno ay nasa bakasyon.
“Ang Office of the Ombudsman ang dapat manguna dito dahil ang integridad ng ating procurement processes ang nakataya dito pati na ang kaligtasan ng ating mananakay. Dapat hindi natin tinataya ang buhay ng ating mga kababayan lalo na kung ito ay sa kamay mga taong wala namang experience sa ganitong mga bagay,” sinabi ni Marcos.
- Latest