Wala kaming kinalaman sa Oplan Exodus – US
MANILA, Philippines – Iginiit ng Estados Unidos na wala silang kinalaman sa Oplan Exodus, ang operasyon na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao nitong nakaraang taon.
"This was a Philippine-designed and carried out operation. This is not an American operation," pahayag ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa kaniyang panayam sa dzMM.
Pinabulaanan din ng ambassador na may Amerikanong nasawi sa operasyon na nauwi sa engkwentro sa pagitan ng SAF at ng Moro Islamic Liberation Front at moro rebels.
Sinabi pa ni Goldberg na kung magbigay man sila ng suporta sa Pilipinas ay sakop naman ito ng Visiting Forces Agreement.
"There is cooperation and I think most Filipinos support that and it's done in a way that is at the request of and in conjunction with the Philippine Armed Forces and government," sabi ni Goldberg.
"We have provided intelligence... We have done training and we have done some quipping. We admit that's what we do," dagdag niya.
Tumanggi naman si Goldberg kung ano nga ang kanilang naging papel sa pagtugis at pagpatay kay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.
Nitong kamakalawa ay muling binuksan ng Senado ang imbestigasyon sa Mamasapano clash.
Ang anumang makukuhang impormasyon ay gagawan na lamang ng supplemental report at idadagdag sa nauna nang nagawa ng Senado.
- Latest