‘Pork’ nagamit din sa driver ni Ayong?
MANILA, Philippines - Kinukuwestiyon ngayon ng isang transparency group kung paano nagamit din ang pondo buhat sa “pork barrel” ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi para ipandagdag sa bayarin ng kanyang driver sa ospital kaugnay ng isyung “preferential treatment”.
Sinabi ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment President Jennifer Castro na nakakalap sila ng liham na pirmado ni Maliksi na sinasabihan si Philippine Heart Center Executive Director Manuel Chua Chiaco Jr. na gamitin ang P700,000 balanse ng kanyang pondo buhat sa Priority Development Assistance Fund sa pagamutan para mapunan ang balanse sa hospital bill ng tsuper niyang si Celestino Aman.
Umabot sa P2.8 milyon ang hospital bill sa PHC ni Aman. Nasa P2.1 milyon na ibinayad ay sinasabing kinuha sa pondo ng PCSO habang ang balanseng P700,000 ay nabayaran buhat sa dating pork ni Maliksi noong Congressman pa siya ng Cavite na hindi naubos at naipasa kay Congressman Alex Advincula.
Matatandaan na tinuligsa ng FATE si Maliksi sa pagpapalabas ng higit P2 milyon pondo sa “ medical assistance “ para kay Aman na naratay sa PHC.
Ito ay sa kabila ng pagtuligsa ni Maliksi sa “preferential treatment” sa PCSO o pagbibigay ng prayoridad sa mga kakilala o mayayamang pasyente na binibigyan ng medical assistance.
Sinabi ng FATE na lumalabas ngayon na dalawang beses umanong ginamit ni Maliksi ang impluwensya nito para mabigyan ng prayoridad ang kanyang tsuper. Isa ay ang pagpapalabas ng pondo mula sa PCSO at ikalawa ay ang pondo buhat sa PDAF.
Ngunit nilinaw ni Castro na hindi masamang tulungan ang pasyenteng si Aman na totoo namang naratay ngunit tila kabaligtaran umano ang ginawa ni Maliksi sa tinutuligsa nitong “preferential treatment”.
- Latest