Problema sa trapiko solusyunan - Romualdez
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si senatorial aspirant at Leyte Rep. Martin Romualdez sa pamahalaan na bigyan ng pansin at magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa lumalalang trapiko sa Metro Manila at hindi parang isang “kuritas” na panggamot sa sugat.
Ayon kay Romualdez, kailangan na magkaroon ng iba pang hakbangin ang gobyerno na siyang magbabalangkas at tatalakay kung paano maiibsan ang trapiko sa mga pangunahing kalsada kung saan kinakailangan na rin umano na iangat ang kalidad at maisa-ayos ng maige ang MRT-3 at ang tamang pangangalaga nito
Bilang abogado at kasalukuyang pangulo ng Philippine Constitution Association, imumungkahi nito sa gobyerno na buhusan ng malaking pondo ang nananamlay nang Philippine National Railways (PNR) ng sa gayon ay muli itong magamit at makatulong sa lumalalang kakulangan ng transportasyon na isa sa susi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Binanggit ni Romualdez na ayon sa mga eksperto halos mahigit sa P2 bilyon ang nawawalang kita dahil sa teribleng trapik sa Metro Manila.
Nararapat ding gumawa ng hakbangin ang gobyerno kung paano magkakaroon ng partisipasyon ang mga private contractors sa mga pagawaing bayan tulad ng karagdagang kalsada, tulay at maging ang Skyway ng sa gayon ay mapabibilis at matatapos ng nasa oras ang proyekto.
Si Romualdez ay senatorial candidate nina presidential bets Vice President Jejomar Binay and Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
- Latest