PNoy ‘di dadalo sa Mamasapano probe
MANILA, Philippines – Ipinahiwatig ng Malacañang na hindi dadalo si Pangulong Aquino sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano incident.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, makailang ulit nang nagsalita ang Pangulo ukol sa Mamasapano bukod sa magkakahiwalay na isinagawang imbestigasyon ng Senado, Kamara, Department of Justice, Commission on Human Rights at sapat na ang ginawa niyang paliwanag ukol dito.
Magugunita na muling pinabuksan ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ang imbestigasyon sa Mamasapano dahil sa may mga bagong ebidensiya na ihaharap sa Senado.
Nanawagan naman si Sen. Enrile kay PNoy na boluntaryong dumalo sa muling imbestigasyon upang malaman ang naging partisipasyon nito sa ‘Oplan Exodus’.
Samantala, humihingi ng advance copy ng mga tanong ang Malacañang mula sa pagbubukas muli ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano incident bago pasiputin ang mga miyembro ng Gabinete na ipapatawag.
Ipinunto ni Sec. Coloma ang section 22 ng Article 6 ng 1987 Constitution kung saan ay nakasaad na kung nais ng mga mambabatas na ipatawag ang sinumang miyembro ng Gabinete, ay mayroong nakatakdang patakaran dito.
Aniya, kung may nakahandang tanong ang sinumang mambabatas, handang tumugon ang Ehekutibo bago pa man magbukas ang Senate hearing sa Enero 25.
“Kami ay umaasa na ang panahon ng mga mambabatas at opisyal ng gobyerno ay iukol sa makatuwiran at makabuluhang talakayan sa halip na masayang lamang sa pamumulitika,” sabi ni Coloma.
- Latest