Pinoy fotog na-trap sa sunog sa Dubai
MANILA, Philippines – Isang Pinoy photographer ang na-trap ng halos isang oras sa nasunog na Address Downtown Hotel sa Dubai noong bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ang Pinoy na si Dennis Mallari, nagtatrabaho sa isang local daily newspaper sa Dubai na na-trap sa ika-48 palapag ng gusali.
Batay sa report, nabigyan nang access si Mallari sa balcony ng nabanggit na hotel para kumuha ng magagandang larawan sa fireworks display sa Burj Khalifa.
Habang abala sa pagkuha nang larawan ay narinig niya ang isa niyang kasamahan na sumisigaw na may sunog.
Tinangkang tumakbo ni Mallari pero sinalubong na siya ng makapal na usok kaya wala na aniya siyang nagawa kundi ang manatili sa balcony at maghintay ng rescue.
Makalipas ang 40 minuto, dumating na ang mga tauhan ng civil defense para siya ay tulungan.
Hindi naman nasaktan si Mallari sa insidente pero nilapatan pa rin ito ng paunang lunas matapos makalanghap ng usok.
Bunsod rito, nahaluan ng panic ang engrandeng pagsalubong ng Dubai sa 2016 matapos masunog ang 63-palapag na skyscraper ilang minuto bago ang pagsapit ng New Year.
Pero ayon sa Dubai police, nailikas ang lahat na tao sa hotel at 16 katao ang sugatan ngunit minor injuries lang ang tinamo.
Nagsimula ang sunog sa ika-20 palapag ng hotel at mabilis na kumalat pataas pero nakatulong ang internal fire-fighting system nito para hindi makapasok ng gusali ang apoy at mailikas ang mga tao.
Pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi sa Dubai, kahit nasusunog ang hotel, naki-cheer pa rin ang mga revelers at sinaksihan ang makulay na fireworks display sa Burj Khalifa, ang pinakamataas na gusali sa mundo.
- Latest