Paglaglag ni Chiz kay Grace tinanggi
MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng kampo ni Senador Grace Poe na iniwan na siya ng kanyang running mate na si Senador Francis “Chiz” Escudero.
Sinabi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, campaign spokesman ni Poe, walang katotohanan ang kumakalat na tsismis na inabandona na ni Chiz si Poe.
“Kasinungalingan at walang basihan ang kumakalat na ulat na inabandona na ni Chiz si Sen. Grace. Kung nais ng mga taong nasa likod ng istoryang ito na pag-awayin ang dalawa, nag-aaksaya lang sila ng oras dahil patuloy na magkasama sa kanilang pakikipaglaban ang dalawa,” paglilinaw ni Gatchalian.
Aniya, matatag ang samahan nina Sen. Poe at Sen. Chiz kaya walang katotohanan na naghiwalay na sila ng kanilang mga landas.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Escudero para kay Poe makaraang isampa ng mga abogado nito sa Supreme Court ang petisyong humihiling na baligtarin ang desisyon ng Commission on Election na nagbabasura sa kandidatura ni Poe sa pagkapangulo dahil sa usapin ng citizenship at residency.
“Naninindigan ako kay Sen. Poe at iginigiit ko na kuwalipikado siyang tumakbong presidente sa halalang pampanguluhan sa 2016. Ang desisyon ng Commission on Elections ay taliwas sa diwa at intensyon ng mga probisyon ng Konstitusyon kaugnay ng mga natural-born Filipinos,” sabi ni Escudero sa hiwalay na pahayag.
- Latest