Mar kay Digong: ‘Di baril ang solusyon
MANILA, Philippines – Itinanggi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hinamon nito ng barilan si presidentiable Mar Roxas nang mapikon si Duterte nang ilabas ni Roxas ang istatistika ng PNP na hindi mababa ang kriminalidad sa Davao tulad ng ipinagmamalaki ni Duterte.
Pinanindigan ni Roxas ang posisyon niya sa isyu at inulit na galing mismo sa PNP ang datos at dapat alam ito ni Duterte.
“Malinaw, hindi ko uurungan si Mayor Duterte sa kahit anong hamunan. Malinaw na hindi ako takot sa kanya at haharapin ko siya,” sabi ni Roxas sa mga reporter sa isang interbyu pagkatapos ng pagdalo nito sa isang malaking pagpupulong ng COOP-NATTCO party-list, isa sa mga grupong kasama sa Daang Matuwid ng administrasyon. Ang representante ng COOP-NATTCO sa Kongreso na si Cris Paez ay isa sa mga senatoriable sa line-up ni Roxas.
“Alam ninyo, ang baril ay hindi solusyon sa kahit anong problema...Mayor Digong, let’s level up. Our people deserve better,” giit ni Roxas. “Hindi ito issue na parang telenovela na hidwaan sa pagitan ng dalawang tao. This is not about you, Digong. This is not about me. This is about the lives of our people. Saan ba natin dadalhin ang ating bansa? Ano ba ang ating pangarap at ano ang pamamaraan na gagamitin natin para maisakatuparan ang ating plano para sa ating bansa at ang mga pangarap ng ating mga kababayan?” tuloy ni Roxas.
- Latest