DQ ni Poe ‘wag ikonekta sa Palasyo
MANILA, Philippines – Muling iginiit kahapon ng Malacañang na hindi dapat ikonekta sa administrasyon ang mga kinakaharap na disqualification cases ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, lahat halos ng naghain ng disqualification cases laban kay Poe ay hindi mga kaalyado ng administrasyon.
Ginawa ni Valte ang pahayag sa gitna ng akusasyon ni dating senator Richard Gordon na nakakaalarma ang diumano’y shortcuts na ginagawa ng administrasyon na “pattern” upang matanggal ang mga makakalaban ni Mar Roxas sa presidential election sa susunod na taon.
“Alam niyo, ‘yung mga ganyang pahayag madali pong sabihin ngunit ano ho ba ‘yung… Siguro ipaalala lang natin ‘yung sinasabing ‘pattern’ of getting rid of ano I think that (is) to mean that he’s (Gordon) referring to the disqualification cases… at huwag na po natin ikonekta pa sa administrasyon kasi medyo hard sell po ‘yung ganoon,” ani Valte.
Sinabi ni Valte na hindi kaalyado ng administrasyon ang mga naghain ng reklamo laban kay Poe katulad nina Kit Tatad, at Atty. Estrella Elamparo at maging ang kritiko ng administrasyon na si Antonio Contreras.
Samantala, itinanggi rin ng Malacanang ang akusasyon na may impluwensiya ito sa Commission on Elections dahil ang pangulo ang nagtalaga ng namumuno sa komisyon.
Sinabi ni Valte na sa ilalim ng batas, ang Pangulo ang naatasan na magtalaga ng opisyal ng Comelec.
“Nasa ilalim po ng batas na kailangan ang Pangulo ang nag-a-appoint ng mga miyembro ng COMELEC. Hindi naman po ‘yan maiiwasan. ‘Yan po ang nasa batas. Pangalawa, doon po sa lumabas na disqualification case, may nag-dissent at appointee rin po ni Pangulong Aquino ‘yon. So paano po natin sasabihing kontrolado o impluwensya? I think the facts will bear themselves out that these allegations are mere allegations and do not have any basis in facts,” ani Valte.
- Latest