Private armies banta sa 2016 polls
MANILA, Philippines – Inamin ng Philippine National Police (PNP) na isang malaking banta ang pamamayagpag ng Private Armed Groups (PAGs) ng mga pulitiko kaugnay ng gaganaping presidential elections sa May 2016.
Ayon kay PNP Chief P/Director Generall Ricardo Marquez, puspusan ang isinasagawa nilang monitoring katuwang ang AFP troops upang lansagin ang mga PAGs ng mga pulitiko upang maiwasan ang pagdanak ng dugo sa halalan.
Sa tala ng PNP nasa 76 na ang mga PAGS na positibong natukoy, 69 dito ang nasa bahagi ng Mindanao.
Sabi ni Marquez, pangunahing suliranin sa tuwing magdaraos ng eleksyon sa bansa ang paglutang ng PAGs na kinakasangkapan ng mga pulitiko para i-harass ang kanilang mga kalaban na kadalasang nagreresulta rin sa madugong insidente at patayan sa hanay ng mga magkakalabang kandidato.
Una rito, tinukoy ni Marquez ang anim na lalawigan sa inisyal na assessment ng PNP na mga lugar na Areas of Immediate Concern o hotspots sa eleksyon na kinabibilangan ng Masbate, Pangasinan, Negros Oriental, Samar, Maguindanao at Lanao del Sur.
Sinabi ni Marquez na mahigpit ang isinasagawa nilang koordinasyon sa militar upang paghandaan ang seguridad para matiyak ang malinis at matiwasay na halalan sa bansa .
Kamakailan ay pinulong ng Comelec ang PNP at AFP at tinalakay ang isasagawang paghahanda para sa Honest, Orderly, Peaceful Elections (HOPE) na siyang misyon ng pamahalaan.
Bukod sa mga PAGs ay mahigpit ring tututukan ng PNP ang mga lugar na armadong banta sa pambansang seguridad na posibleng maging balakid rin sa halalan.
Tiniyak rin ng PNP Chief na magdaragdag sila ng puwersa sa mga lugar na natukoy na hotspots.
- Latest