Automotive recall ipatupad din sa Pinas – Villar
MANILA, Philippines - Isinusulong ni Las Pinas Rep. Mark Villar ang pagtatatag ng Transport Safety Agency para sa epektibong automotive recall system para sa mga sasakyan na mayroong depektibo.
Ayon kay Villar, dapat ipatupad na rin sa Pilipinas ang recall system tulad sa ibang bansa kung saan inoobliga ang mga kumpanya na imbestigahan at magsumite ng detalye sa ahensiya tungkol sa natuklasang depekto ng kanilang mga sasakyan.
Nilinaw pa ng kongresista na hindi pa man umiingay ang mga insidente sa Montero, nakapagtala na ang PNP Highway Patrol Group ng hindi bababa sa 500 namatay at mahigit 5,000 nasugatan sa aksidente sa sasakyan sa unang 6 na buwan ng 2015.
Idinagdag pa nito na ang kawalan ng ngipin ng kasalukuyang mga batas para tugunan ang ganitong problema kaya napapanahon nang magkaroon ng national motor vehicle safety administration.
Iginiit pa nito na kung sa Japan ay pinagmumulta ang mga automotive companies ng hanggang 200 million yen dahil sa pagtatago ng safety defects at kabiguan i-recall ang mga depektibong sasakyan kaya dapat ganito ring standards ang pairalin sa mga Pinoy consumers.
Dahil dito kaya maghahain ng panukalang batas si Villar na nagtatag ng National Motor Vehicle Safety Administration at sakaling tuluyan itong maisabatas ay gagawa ang ahensiya ng safety standards para sa motor vehicles at motor vehicle equipment na siyang mag aaaral at mag-iimbestiga sa mga aksidente sa lansangan gayundin sa safety related defects.
- Latest