Bagong PAF aircrafts binasbasan
MANILA, Philippines – Pinangunahan kahapon ni Pangulong Aquino ang pagbabasbas at turnover sa mga bagong eroplano kabilang ang mga modernong jet fighters at helicopters ng Philippine Air Force (PAF) sa seremonya kahapon sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Kararating lang ni PNoy mula Paris, France at Italya kung saan dumiretso ito sa Villamor Air Base para sa nasabing seremonya.
Kabilang sa mga itinurnover sa PAF ang dalawang FA 50 lead –in fighter jets, isang C295 medium lift aircraft at anim na Agusta Westland AW-109E attack helicopter.
Sinabi ni PAF Chief Lt. Gen. Jeffrey Delgado na ang dalawang FA 50 lead-in fighter jets ay galing South Korea at pinalipad ng mga pilotong Koreano patungo sa bansa.
Nauna nang dumating ang C295 medium lift aircraft at ang AW 109E attack helicopters.
Ang mga karagdagang eroplano ay bahagi ng AFP modernization program.
Nabili ng PAF ang walong units ng helicopter sa halagang P3.4 bilyon noong 2013.
Inaasahan namang darating ang ikatlong C295 medium lift aircraft bago magtapos ang taon. Nagkakahalaga ang tatlong aircraft ng P5.29 bilyon.
Magagamit naman sa transportasyon ng tropa ng mga sundalo ang C-295 aircraft na may kapabilidad rin sa surveillance at may kapasidad na 71 katao at siyam na toneladang cargo.
- Latest