Tulong sa mga magsasaka tiniyak ni Binay
MANILA, Philippines – Ipinangako kahapon ni Vice President Jejomar Binay ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka na kakarampot ang natatanggap na tulong mula sa kasalukuyang administrasyon.
“Mahalagang pagkain natin ang bigas pero kapos ang tulong ng ating pamahalaan sa ating mga magsasaka,” sabi ni Binay sa isang pahayag na ipinalabas ng kanyang tanggapan nang bisitahin niya ang International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Banos, Laguna.
“Napakahalagang bigyan ng kinakailangang tulong ang ating mga magsasaka para mapalaki ang kanilang ani at maging kapaki-pakinabang ang pagsasaka,” dagdag niya. Binanggit niya ang isang pag-aaral ng PhilRice na nagsasaad na, kumpara sa kanilang mga kabaro sa ibang bahagi ng Asya, ang mga magsasakang Pilipino ang may pinakamaliit na suportang natatanggap mula sa pamahalaan.
Ang China ay nagbibigay anya ng libreng mga inbreed seed sa mga magsasaka at libreng hybrid seed sa mga miyembro ng kooperatiba nito pero ang pamahalaan ng Pilipinas ay walang sabsibdo para sa mga binhi o pataba.
Ang fertilizer ay nagkakahalaga ng P1,188 per 50kg-bag at ang mga magsasaka ay gumagamit ng apat na bag bawat ektarya kaya gagastos sila ng P5,000 para pa lamang sa fertilizer, ayon sa Bise Presidente.
“Dahil napakahamahal, napipilitan ang mga magsasaka na magtipid sa pataba na nakakaapekto naman sa kanilang inaani,” sabi pa niya.
Ipinangako ni Binay na, sa ilalim ng kanyang administrasyon, isusulong ang community seed banking, seed buffer stocking. Titiyakin niya ang subsidya sa mga pataba at hihimukin ang mga pamahalaang lokal na turuana ng mga magsasaka kung paano lilikha ng sarili nilang fertilizer.
Ikinalungkot din ni Binay na ang mga magsasaka ay kailangang magbayad ng P2,000 irrigation fee bawat ektarya sa panahon ng tag-ulan at P3,000 sa panahon ng tag-init.
- Latest