Duterte kinondena ng CBCP
MANILA, Philippines – Kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos ang umano’y pagmumura nito kay Pope Francis dahil daw sa traffic na idinulot ng pagbisita nito sa bansa.
“Nakakapangilabot na magsalita ka sa isang pinakamataas na tao ng Simbahang Katoliko,” wika ni CBCP President Archbishop Socrates Villegas.
Ayon kay Villegas, kung nagawang murahin at bastusin ni Duterte ang isang iginagalang na taong tulad ni Pope Francis, wala raw siyang magagawa kundi yumuko na lang sa kahihiyan at labis na magdalamhati.
Payo ni Villegas na kung pipili ng susunod na mamumuno sa bansa, dapat ay yung may leadership by example. Hindi rin umano karapat-dapat na tawaging ‘honorable’ si Duterte.
Sinabi ni Villegas na ang pagpatay ay isa ring uri ng corruption.
“Adultery is corruption. It makes married love cheap and uses people for pleasure. Adultery corrupts the family; it destroys children and victimizes the weak,” ani Villegas.
Malaking problema na aniya ng Pilipinas ang korapsyon na kanyang inihalintulad sa demonyo na maraming mukha, tulad ng pagpatay, adultery o pangangalunya at pagiging bulgar.
Kung natatawa aniya ang isang tao sa mga bulgar na pananalita ay manipestasyon ito ng barbaridad.
Ayon naman kay Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, delikado ang isang tulad ni Duterte kung ito ang mamumuno sa bansa. Aniya, mas masahol pa ito sa diktador.
Gaya ng inaasahan, ipinagtanggol naman ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kanyang running mate na si Duterte.
Ayon kay Cayetano, trapik umano ang minura ni Duterte at hindi si Pope Francis.
Sinabi pa ni Cayetano na si Pope Francis ay isang tao ng Diyos na minamahal at iginagalang at hindi nito gugustuhin na maghirap ag mga tao katulad ni Duterte dahil lamang sa kanya.
- Latest