Libu-libo sumalubong kina Binay at Pacman sa General Santos
MANILA, Philippines – Tinayang 1,500 mamamayan ang sumalubong kina Vice President Jejomar Binay at Sarangani Congressman Manny Pacquiao sa pagbisita nila sa General Santos City Public Market kamakalawa.
Si Binay ang kandidatong presidente ng United Nationalist Alliance habang si Pacquiao ang isa sa mga kandidatong senador nito sa halalan sa taong 2016.
Iginiit naman ni Pacquiao sa isang pulong-balitaan ang kanyang pagsuporta kay Binay at sa UNA.
“Ang sinuportahan natin UNA, ang mahal natin na Bise Presidente, at all out support tayo sa kanya at hindi magbabago yan. Dahil naniniwala ako sa plataporma ng ating incoming president na si Jejomar Binay,” paliwanag ni Pacquiao. “Napakaganda ng mga programa para sa mahihirap. Ang priority para sa mahihirap kasi kaming lahat nakaranas kung paano maging mahirap. Kaya nararamdaman namin ang kalagayan ng mga mahihirap na tao.”
Kasama rin nina Binay at Pacquiao si Sarangani Governor Steve Solon sa pagbisita nila sa Boy Scouts of the Philippines Provincial Jamboree sa Maasim.
“Ang pagsama ko kay VP hindi ‘yon dahil sa kami ay magkaibigan din kundi naniniwala ako sa plataporma ng UNA, ‘yong paninindigan at ‘yong programa para sa taong-bayan na ang priority is ‘yong mga taong mahihirap dahil kami ay nanggaling sa hirap. ‘Yon nga lagi naming ini-emphasize na ang grupo namin, ang gagawin namin, ang focus namin ay tugunan ‘yong problema sa ating bansa,” sabi pa ni Pacquiao.
Sa mga naunang panayam, sinabi ni Binay na ang halalan sa 2016 ay tungkol sa kahirapan at kung paano maiaangat ng pamahalaan ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.
“Talagang ang issue na dapat naming bigyan atensyon sa lalong madaling panahon pagkaupong-pagkaupo namin ay yong matugunan po ang problema sa kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho,” pahayag ni Binay na binanggit pa na ang 11 sa 16 na pinakamahirap na mga lalawigan sa bansa ay nasa Mindanao.
“Alam ba ninyo na labing-isa sa labing-anim na probinsyang mahirap sa Pilipinas ay narito sa Mindanao? Sabi ko nga sa inyo, marami akong plano. Palagay ko, ‘yong ibang kandidato [ay] maraming plano, maraming programa. Pero, ang kaibahan ko sa kanila ay ako ay magaling na manager,” diin ng Bise Presidente.
- Latest