Food security titiyakin – Leni
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni Rep. Leni Robredo, vice presidential candidate ng Liberal Party, ang suporta niya sa National Land Use Act upang mapalakas ang seguridad sa pagkain sa gitna ng mabilis na conversion ng lupaing agrikultural patungong commercial at housing projects.
Ayon kay Robredo, ang tamang pagkilos sa mga kalamidad, lalo na sa epekto nito sa mga magsasaka, ay magbalangkas ng patakaran sa paggamit ng lupain sa buong Pilipinas.
“Isinusulong natin ang NLUA. Pag-aralan na talaga kung anu-ano bang bahagi ng ating bansa ang hindi na talaga maaaring ilaan para sa agrikultura,” wika Robredo, isa sa co-authors ng House Bill 0108, ang panukalang nagsusulong ng tinatawag na land use policy and management. “Kasi tuwing may kalamidad, talagang nagdurusa ang ating mga magsasaka,” wika ni Robredo, na dating abogado ng Public Attorney’s Office.
Sa land use planning, matutukoy kung aling lugar sa bansa ang angkop sa agricultural, residential, imprastruktura o pagreserba para sa biodiversity conservation.
“Kailangan ng mas malawak na pag-aaral. Saan ba itatayo ang mga kabahayan? Saan ba hindi puwedeng tirhan? Para everytime na may sakuna na darating...hindi na ganoon kalaki ang damage na madalas pinagdadaanan natin,” wika ni Robredo.
Para kay Robredo, dapat samahan ang long-term planning ng agarang tulong sa biktima ng kalamidad, tulad ng pamimigay ng relief goods at seedlings at crop insurance sa mga magsasaka.
Ngunit mas mahalaga aniya ang pagtutok sa pangmatagalang solusyon.
“Dapat dito pag-aaral. Alin ba ang puwedeng pagtamnan at ano ang dapat pang i-encourage to go to agriculture o alin dapat hindi na. Anong klaseng imprastruktura ang dapat nariyan para magiging mas permanente ang solusyon,” wika ni Robredo.
Ayon kay Robredo, ang panukala’y matagal nang nakapasa sa Kamara ngunit nakabimbin pa rin sa Senado hanggang ngayon.
- Latest