Korean laya na; BI kinastigo ng DOJ sa arbitrary detention
MANILA, Philippines – Kinastigo ng Department of Justice ang matataas na opisyal ng Bureau of Immigration matapos nitong ipaaresto at ipakulong ang isang Korean trader na may nakabinbing pang apela sa DOJ.
Kasabay nito, inutos ni DOJ Secretary Alfredo Benjamin Caguioa ang pagpapalaya sa Korean national na si Kang Tae Sik, 71, pangulo ng Jinro Phils..
Binalaan rin ni Caguioa ang mga BI officials laban sa paglabag sa doktrina ng batas na nagsasaad na, “Makakapagpalabas lamang ng warrant of deportation ang komisyuner kapag pinal na ang isang deportation order, judgment o resolusyon.”
Ipinaliwanag ni Caguioa na, dahil nakabimbin pa ang apela ni Kang Tae Sik sa DOJ, hindi pa pinal at maipapatupad ang BOC resolution na nag-uutos na ipadeport ito kaya hindi pa maaaring ipalabas ang Warrant of Deportation.
Dahil sa nangyari ay nangangamoy ngayon ang balasahan sa mga opisyal ng BI.
Sa pahayag naman ni Atty. Elaine Tan, tagapagsalita ni BI Commissioner Siegfred Mison, sinabi nito na legal ang pag-isyu ng Warrant of Deportation pag-aresto at pagkulong nila kay Kang.
Sinabi naman ni Atty. Redentor S. Viaje, abogado ni Kang, na na-misread ng BI ang sariling rules nito upang mabigyang rason lamang ang kanilang aksyon.
Inihayag pa ni Viaje na ang iregularidad sa deportation case ni Kang sa BID kung saan ang isang pribadong indibidwal na tulad ni Atty. Alex Tan, dating abogado ni Kang, ay hinayaang aktibong makilahok sa prosekusyon at maging sa implementasyon ng WoD.
Inihayag pa nito ang desisyon ng Korte Suprema na mahigpit na nagbabawal sa pribadong indibidwal sa pakikilahok sa deportation proceedings.
Ayon kay Viaje, Oktubre 28, 2015 nang salakayin ng mga ahente ng BID, sa ilalim ng direksyon ni Tan, ang tanggapan ni Kang sa Makati at inaresto ito at ikinulong sa Bicutan jail.
- Latest