Laglag bala sabotahe sa ekonomiya – Lapid
MANILA, Philippines - Maliwanag na pananabotahe umano sa ekonomiya ng bansa ang ginagawa ng mga taong nasa likod ng laglag bala scam sa Ninoy Aquino International Airport.
Ito ang tinuran kahapon ni Senatorial Candidate Mark Lapid (Koalisyon Daang Matuwid/LP) na dati ring general manager/coo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
“Ako ay nalulungkot at galit. Nakalulungkot na ang ating bayan, OFWs at turista ay nasasaktan sa mga kriminal na ito. Galit ako sa mga mapagsamantalang elemento maging sila man ay sindikato o nanamantala lamang upang ipahiya ang ating pamahalaan. Pananabotahe sa ekonomiya ang kanilang ginagawa dahil sa malaking kontribusyon dito ng turismo, ng mga OFW at ng mga paliparan,” sabi ni Lapid.
Ayon kay Lapid, nakapagbibigay ng takot at dismaya sa mga turista na nagnanais na bumisita ng bansa at dadaan sa NAIA ang mga insidente ng laglag bala scam..
“Sayang naman po ang mga nasimulan at mga ipinaglalaban nating kabuhayan at trabaho ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng turismo. May mga natatakot na mabiktima kaya kaysa maabala sila, posibleng huwag na lang tumuloy,” ani Lapid.
Naniniwala si Lapid na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya ang turismo dahil sa nagbibigay din ito ng trabaho para sa ating mga mamamayan lalo na sa mga kabataan.
Dahil dito, pinayuhan ni Lapid ang lahat at bawat isa na maging mapagmatyag at bigyan ng pansin ang naturang isyu at huwag ipagwalang bahala.
“Nakikita ko po ang katapangan ng ating mga kababayan na labanan ang gawaing ito. Dapat mas higit nating pangalagaan ang reputasyon ng ating bayan. Huwag po natin sirain ito para lamang sa mga pansariling kadahilanan. Bayan ang talo dito,” dagdag ni Lapid.
- Latest