Taas sa sahod ng gobyerno mapupunta lang sa buwis
MANILA, Philippines - Mapupunta lamang sa pagbabayad ng mas mataas na buwis ang inaasahang dagdag na sahod ng nasa 1.5 milyong opisyal at empleyado ng gobyerno.
Ito ang ibinabala kahapon ni Sen. Sonny Angara sa gitna ng napipintong pagpasa ng Salary Standardization Law IV.
Ayon kay Angara, pabor siya sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ng gobyerno lalo pa’t isa siya sa author ng SSL III noong 2009.
Pero malaking tanong aniya kung saan mapupunta ang dagdag na sahod dahil hindi naman nagkakaroon ng reporma sa buwis.
Naniniwala si Angara na kaakibat ng pagtaas ng sahod ay dapat magkaroon rin ng tax reform upang maramdaman ng mga mamamayan ang epekto nito.
Ayon naman kay House Speaker Feliciano Belmonte, sakaling sertipikahan ni Pangulong Aquino as urgent ang SSL ay malaki ang tsansang maipasa na ito sa second and third reading.
Ang pinakamababang increase sa unang taon ng implementasyon ay halos P500 kada buwan para sa mga salary grade 1 mula sa kasalukuyang P9,000 hanggang P9,478 sa unang taon at aabot sa P11,068 sa ika apat na taon.
Gayunman, tanging mga empleyado lang umano na nasa matataas na puwesto sa pamahalaan kabilang ang Pangulo ang higit na papaboran sa panukalang dagdag sa sahod.
Mas lugi sa naturang panukala ang mga nasa low and middle-level positions.
- Latest