Workshop sa pagbibigay ng proteksyon sa mga paslit, isinagawa
MANILA, Philippines – Nagdaos ng isang seminar workshop kahapon para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga paslit ang Department of Education (DepEd) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Juvenile Justice and Welfare Week.
Ang naturang seminar workshop, na dinaluhan ng Education Program Supervisors at mga Regional Guidance Counselors mula sa National Capital Region (NCR), tinalakay ang mga guidelines at procedures sa management ng children-at-risk at children in conflict with the law, na naka-detalye sa DepEd Order No. 18, s. 2015.
Ayon kay Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Atty. Alberto Muyot, hindi maaaring mawala ang DepEd sa child protection dahil sila ang tulay sa reintegration ng mga kabataan.
Binigyang-diin din ni Muyot ang kahalagahan nang pagbibigay ng proteksyon sa mga bata mula sa early pregnancy, prostitusyon, paggamit ng illegal na droga, paninigarilyo, pag-inom ng alak, karahasan at suicide.
Aniya ang mga naturang pag-uugali ay natukoy ng University of the Philippines Population Institute, sa pamamagitan ng Young Adult Fertility and Sexuality Study noong 2013, bilang ‘risky’ at ‘exploitive’ sa mga kabataan.
Ang mga ‘children-at-risk’ ay umaakto sa pamamaraang mapanganib sa kanilang sarili at sa ibang tao at nanganganib na maabuso at magkaroon ng conflict sa batas.
Ang mga ‘children in conflict with the law’ ay yaong nagkaka-edad ng wala pang 18-taong gulang, na inakusahang lumabag sa batas.
Aniya pa, dapat tiyakin ng DepEd, bilang miyembro ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC), na ang mga bata ay protektado sa lahat ng pagkakataon, anuman ang background ng mga ito.
- Latest