Nobyembre 2 dapat ang holiday - Simbahan
MANILA, Philippines – Muling pinaalalahanan ng Simbahang Katolika ang publiko na ngayong Nobyembre 2 ang araw ng paggunita sa mga kaluluwa ng namayapang mahal sa buhay.
Ayon kay Fr. Francis Lucas, naging kaugalian na lamang na bisitahin ng mga Pilipino ang kanilang mga mahal sa buhay ng Nobyembre 1.
Aniya ang Nobyembre 1 ay para sa mga santo, kung saan kailangang magsimba at parangalan ang mga ito habang ang Nobyembre 2 ay araw na dapat nating ipagdasal ang mga maaaring nagdurusa pa sa purgatoryo o sinasabing may mga utang pa sa Panginoon na dapat magbayad bago makarating sa langit.
Para naman kay Cotabato Cardinal Orlando Quevedo, mas dapat na gawing holiday ang Nobyembre 2. Mali ang nakaugalian na Nobyembre 1 ang ginagawang non-working holiday. “I would think that the time to travel to the province would be November 1 and the actual honoring is November 2 and the time to return would be November 3,” ani Quevedo.
Giit naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos na hindi dapat na gawing lugar ng picnic ang sementeryo at sa halip at pagkakataon na ipagdasal ang kaluluwa ng kanilang mga mahal sa buhay.
- Latest