House probe vs ‘tanim bala’ sa NAIA
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan sa Kamara ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian ang modus operandi na ‘tanim bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasabay ng panawagan na magsagawa ng top to bottom revamp sa Office of Transportation Security(OTS) sa nasabing paliparan.
Sa House Resolution no. 2419 na inihain ni Gatchalian, inatasan nito ang committee on good government and transportation na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation sa serye ng insidente ng laglag bala sa NAIA.
Nanawagan din ang kongresista ng total revamp sa OTS kasunod na rin ng rebelasyon ni Tarlac Rep. Noel Villanueva na siya ay biktima ng ‘laglag-bala syndicate’ habang palabas ng bansa noong Agosto 2014.
Lubha na umano itong nakakahiya sa buong mundo at maging ang mga tinaguriang makabagong bayani ng bansa na mga OFW ay binibiktima na rin ng nasabing sindikato at mga dayuhan.
Ang hakbang ni Gatchalian na vice chairman ng House Committee on Tourism ay kasunod ng pagka-biktima sa OFW na si Gloria Ortinez at isang 33-anyos na Japanese national na si Kazunobu Sakamoto na naaresto at ipiniit dahil sa umano’y pagbibitbit ng bala sa kanilang bagahe.
“It’s bad enough that such nefarious activities being committed by OTS personnel are causing an embarrassment to the NAIA and as an institution. But what’s worse is the serious threat it poses to our tourism industry and the overall security of our airports,” ayon pa kay Gatchalian na senatorial bet ng NPC sa 2016 elections na hiniling ang agarang pagbalasa sa mga tauhan ng OTS.
Iminungkahi pa ng mambabatas sa Manila International Airport Authority (MIAA) na ipatupad nito ang ‘no-pocket at no-gadget scheme’ ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na naging epektibo sa Laguindingan Airport sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, epektibo ang ‘no-pocket’ sa uniporme at ‘no gadget scheme’ na kanilang ipinatupad sa CDO dahil hindi makakapagpasok ng bala o kontrabando ang mga airport personel para makapambiktima ng mga pasahero.
- Latest