Bohol Representative Relampagos, et al, kinasuhan ng graft sa Sandigan
MANILA, Philippines – Kinasuhan ng graft ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Bohol governor na ngayoy Bohol Representative Rene Relampagos dahilan sa umanoy undervalued privatization ng provincial capitol’s water at electricity system noong taong 2000.
Kasama ni Relampagos sa kaso na sinampahan din ng graft sa Sandiganbayan sina dating Vice Governor Edgardo Chatto at miyembro ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa paglabag sa e Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Si Chatto ang kasalukuyang gobernador ng Bohol.
Kasangkot din dito na kinasuhan din ng graft sina Dennis Villareal, president ng Salcon Power and Water consortiums na nakakuha ng kontrata sa privatization ng electricity at water utility systems ng lalawigan.
Ang mga miyembro ng Sanggunian na nakasuhan din ng graft ay sina Arnold Lungay, Isabelito Tongco, Eufrasio Mascariñas, Concepcion Lim, Exequiel Madrinan, Severino Caberte, Tomas Abapo Jr., Francisco Alena Sr., Felix Uy, at Renato Inocentes Lopez.
Sinasabing ang mga akusado ay nagsabwatan umano sa pagsasapribado ng water at electricity systems ng lalawigan para sa Salcon kahit na ang halaga ng kontrata ay undervalued.
Sa rekord, si Relampagos ay lumagda sa isang joint venture kay Villareal para mailipat ang assets at franchise ng provincial electricity system para sa power consortium sa halagang P75 milyon at para sa water system sa isang water consortium sa halagang P80 milyon o may kabuuang halagang P150 milyon lamang kahit na ang two utilities ay may assets at franchise na P782 milyon.
Dulot nito, nalugi ang pamahalaan sa ipinasok na kontrata nina Relampagos at Chatto.
- Latest