Ex-ministro lumapit at nagpatulong sa INC - Solon
MANILA, Philippines – Lumapit at nagpapatulong umano si Lowell Menorca II sa Iglesia Ni Cristo.
Ito’y ayon kay dating House Speaker Rep. Arnulfo Fuentebella, kung saan sinabi nito na walang dapat na ikabahala ang pamilya ng dating ministro dahil hindi totoo na ito’y na-detain sa INC central compound at sa halip ay ito pa (Menorca) ang mismong lumapit sa liderato ng INC para humingi ng proteksyon ng simbahan.
“Tingin ko misunderstanding lang ito dahil baliktad ang nangyari. Nagpaalam si Lowell Menorca na tumira na muna sa INC compound kasama ang asawa at anak dahil nakatanggap daw sya ng mga threats,” sabi ng dating kinatawan mula sa Camarines Sur.
Sinabi din ng dating kongresista na pinahintulutan naman ito ng mga opisyal ng INC dahil “concerned sila para kay Menorca” kaya nagtataka sila ngayon kung bakit pumunta ang kapatid ni Menorca at ang kanyang hipag sa Korte Suprema noong Miyerkules para humingi ng “writ of amparo” at “writ of habeas corpus.”
Sa petisyon na inihain ng kapatid ni Menorca na si Anthony at ng kanyang hipag na si Jungko Otsuka, inakusahan ang mga opisyal ng INC na di umano’y nakakulong si Lowell at ang kanyang asawa na si Jinky, anak na si Yurie, at ang kanyang katulong na si Abbegail Yanson, sa compound ng INC compound sa Quezon City.
Ani Fuentebella, dahil sa “walang saysay” na alegasyon ng pamilya ni Menorca, “pinakiusapan na ng liderato ng INC si Lowell Menorca na umalis muna siya at ang kanyang pamilya sa INC compound,” para makaiwas na sa pagkalito tungkol sa totoong kalagayan nito.
Nakatira ngayon ang mga Menorca sa Fairview, Quezon City, sabi ni Fuentebella.
“Dapat matigil na ang ispekulasyon at gulo dahil sa petisyon na ito. Naiintindihan ko ang pamilya ni Lowell, pero nakita nyo naman na wala naman silang dapat ikabahala. Nasa mabuting lagay naman si Menorca, at yan ang importante sa lahat,“ dagdag ni Fuentebella.
- Latest