Panibagong disqualification vs Poe inihain ni ex-Sen. Kit Tatad
MANILA, Philippines - Isa pang disqualification case ang haharapin ni Sen. Grace Poe matapos na isampa ito ni dating Senador Francisco “Kit” Tatad sa Commission on Elections (Comelec).
Nakasaad sa kasong isinampa ni Tatad, na hindi umano dapat na payagang tumakbo sa 2016 elections si Poe dahil sa paglabag nito sa Article 7, Section 2 ng Constitution kung saan nakatala ang kuwalipikasyon ng mga presidential candidates.
Kasama ni Tatad si Atty. Manuelito Luna na kumatawan sa natalong senatorial candidate na si Rizalito David na unang nagsampa ng disqualification case laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal.
Partikular na tinukoy ni Tatad ang umano’y hindi pagiging natural-born Filipino ni Poe dahil ito ay isang ampon na walang makapagsabi kung sino ang kanyang tunay na magulang.
Nabigo din si Poe na kumpletuhin ang kanyang 10-year residency requirement na nakasaad sa Constitution.
Ayon naman kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na tumatayong spokesperson ni Poe itinuturing nila itong “dirty tactic” sa pagtakbo sa pagkapangulo ng senador.
Matatandaang nagsampa rin noong nakaraang linggo ng disqualification case si Atty. Estrella Elamparo laban kay Poe kung saan kinuwestiyon din ng una ang kakulangan sa mga kuwalipikasyon ng senador upang tumakbo sa 2016 elections.
- Latest