UFS nag-kilos protesta
MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang United Filipino Seafarers sa harap ng tanggapan ng Maritime Industry Authority (Marina) sa Taft Avenue, Manila upang iparating ang kanilang hinanakit sa mga umano’y maling pamamalakad dito.
Mahigit dalawang libong marino, kasama na ang kanilang pamilya ang sumali sa protesta.
Sumama rin si OFW Advocates Coalition chairperson Susan “Toots” Ople, na nangakong dadalhin niya sa Senado ang problema ng mga marino kung hindi ito madadala sa panawagan ng mga ito upang maimbestigahan ang mga anomalya na nagpapahirap sa mga marino.
Nag-ugat ang kilos protesta dahil sa pagpapatupad ng Marina sa mahabang Management Level Course na hindi naman naaayon sa IMO STCW Convention.
Sinabi ni Engr. Nelson Ramirez, ang regulasyon na ito ng Marina ay isang kathang isip na hindi pinapairal sa anumang bansa sa kanilang mga marino at hindi rin ito pinapairal sa ibang propesyon sa bansa kaya mistulang pagpatay umano ito sa industriya ng magdaragat.
Kinondena rin ng UFS ang 90% passing average sa limang competency sa OIC Level at mahigit 10 competency sa Management Level at ang sobrang taas umano ng passing percentage na ito ay ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mga Pilipino at hindi rin ito ginagawa sa ibang propesyon.
Binatikos din ng UFS ang pagpakuha ulit ng licensure examination sa mga opisyales ng barko kung hindi nila nagamit ang kanilang lisensiya.
- Latest