Sinibak na PMA cadet Cudia, makakapag-aral na sa UP
MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na makapag-aral na ang sinibak na Philippine Military Academy na si Cadet Aldrin Jeff Cudia.
Ito’y matapos na bigyang-pansin ng Korte Suprema ang kanyang ikatlong motion for reconsideration na naglalayong makapagpatuloy siya ng pag-aaral sa University of the Philippines (UP).
Sa ginanap na deliberasyon ng Supreme Court en banc, nagdesisyon ang mga mahistrado na kunin ang panig ng PMA kaugnay sa third motion for reconsideration ni Cudia na idinulog ni Cudia sa pamamagitan ni Atty. Persida Rueda Acosta, pinuno ng Public Attorney’s Office.
Inatasan ng SC ang PMA na magpaliwanag hinggil sa hiling ni Cudia na ilabas ang kanyang academic records gaya ng mga sumusunod - diploma o certificate of completion of academic subjects; general weighted average na sertipikado ng PMA School Registrar; certificate of good moral character and honorable dismissal; certificate of discharge para mabigyan ng pagkakataon si Cudia na makapag-enrol sa ibang eskwelahan; at ang kanyang transcript of records.
Ayon kay Atty. Acosta, mahalaga ang mga nasabing dokumento para ganap nang makapag-enrol si Cudia sa University of the Philippines College of Law.
Binigyan ng sampung araw ng SC ang PMA upang isumite ang kanilang komento.
- Latest