Mga alkalde tatawagin ng economic manager
MANILA, Philippines – Upang matugunan ang pag-unlad ng ekonomiya sa kanilang nasasakupan papalitan na ang job description ng mayor bilang isang development and economic manager.
Ayon kay DILG Sec. Mel Senen Sarmiento, direktang aatasan niya ang Local Government Academy (LGA) na bumuo ng isang training course para sa mga bagong local official na nakatuon sa pagdadagdag ng kaalaman ng mga alkalde na maging facilitators ng ekonomiya at pag-unlad.
Ang LGA, na attached agency ng DILG, ay training arm ng departamento para sa mga lokal na opisyal at mga functionaries nito.
Sabi ng kalihim, ang mga iimbitahan niyang mga resource person ay maaaring maka-inspire sa kanila at walang iba kundi ang mismong kabaro rin nila.
“The best teacher to a mayor is a fellow mayor, and the best teacher to a governor is a fellow governor,” pagdidiin ng kalihim.
Giit ni Sarmiento, bilang isang development-oriented manager, ang mayor aniya ay maaaring gumawa ng isang strategic plan na kabilang ang mga lahat ng stakeholders na magsisilbing blueprint para sa development ng mga local government unit (LGU) para sa mga susunod na mga taon.
Ang strategic plan, sabi pa nito, ay sasalamin sa naisin at pangangailangan ng mga tao, at hindi ang plano ng alkalde, na hindi maaaring ipagpatuloy matapos ang pagtatapos niya sa termino bilang akalde.
Inalala ng kalihim ang naging pagbisita niya sa Paramatta City, isang major business district sa Australia, noong 2003 kung saan ang planning council ay naunahan na ang magiging problema sa trapiko at solusyon matapos ang may 50 taon.
“Kaya rin nating gawin yun. Yan ang challenge sa bawat local government. May strategic plan na tugma rin sa national thrust. Kasi hindi naman pupwede si presidente abante nga, si governor will turn left, the mayor will turn right and the barangay captain says “Atras tayo”. So, in nation building, dapat magkasama tayo, dapat magkasabay-sabay,” wika ni Sarmiento.
- Latest