Chile niyanig ng 8.3 lindol
MANILA, Philippines - Niyanig ng magnitude 8.3 earthquake ang Chile bago mag alas-8:00 ng gabi, Chile Standard Time.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), naitala ang epicenter ng lindol, 55-kilometro kanluran ng Illapel City.
Naramdaman din ang pagyanig sa Santiago City, ang kapital ng Chile, hanggang sa Buenos Aires sa Argentina.
Agad naglabas ang National Emergency Agency ng Chile ng tsunami warning sa Chile, Peru, at French Polynesia.
Sa report ng CNN, malalaking tsunami waves ang naobserbahan sa Chilean Coast malapit sa epicenter ng lindol. Isa na rito ang 15-talampakang taas ang tumama sa Lungsod ng Coquimbo.
Iniulat ng mayor ng Coquimbo na may mga pagbaha sa kanilang lugar at 95-porsyento ng lungsod ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Tatlo ang iniulat na nasawi sa lindol kabilang ang dalawang babaeng nabagsakan ng bubong at pader.
Nasa 12 aftershocks na may magnitude 4.9 o higit pa ang naitala sa loob ng dalawang oras matapos ang malakas na pagyanig.
Tiniyak naman ng Phivolcs na walang epekto sa Pilipinas ang lindol sa Chile.
Gayunman, nasa tsunami watchlist ng Phivolcs ang 20 lugar kabilang ang Davao Oriental, Davao Occidental at Davao del Sur at patuloy na susubaybayan sa susunod na 24 na oras.
- Latest