200 students, magtatrapik na rin
MANILA, Philippines – Para makatulong sa pagmamando ng daloy ng trapiko, isinabak na rin ang may 200 daang estudyante sa mga lansangan ng lungsod ng Muntinlupa kahapon.
Ayon kay Muntinlupa City Traffic Management Bureau (MTMB) chief Danidon Nolasco, kanilang dineploy ang may 200 bilang ng mga estudyante, na nagmula sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa na nasa 4th year ng kursong criminology.
Ang mga ito ay kanilang itinalaga sa mga pedestrian lane ng mga pangunahing lansangan ng lungsod, na ang District 1 ay mula sa Barangay Tunasan hanggang Barangay Bayanan at ang District 2 naman ay mula sa Barangay Alabang hanggang Barangay Sucat.
Ang deployment ng mga ito ay hinati sa dalawang shift, na ang unang shift ay mula alas-5:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon at ang pangalawang shift ay mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Sila ang aagapay sa mga traffic enforcer para magmando ng daloy ng trapiko sa naturang lungsod at maging sa mga pedestrian para sa disiplina ng mga ito.
Ito ay bilang kasunduan ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa at mga unibersidad na nasa hurisdiksiyon nito bilang bahagi sa subject ng internship program ng isang college student na kumukuha ng naturang kurso para sa traffic management department.
- Latest