Pre-trial ng illegal recruiters ni Veloso itinakda
MANILA, Philippines -- Nakatakdang gawin ang pre-trial sa umano'y illegal recruiters ni convicted Filipino worker Mary Jane Veloso sa Setyembre 18 sa Nueva Ecija.
Diringgin ang kasong illegal recruitment na isinama ng mga kapitbahay ni Veloso sa Baloc Regional Trial Court Branch 37 laban kina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Hiniling din ng abogado ni Veloso na si Edre Olalia sa korte na basahan na rin ng sakdal sina Sergio at Lacanilao para sa hiwalay na kasong qualified human trafficking.
Samantala, naghain ng petisyon ang committee on overseas migrant affairs ng Kamara upang pauwiin si Philippine consul general to Jakarta, Indonesia Roberto Manalo.
Pinauuwi si Manalo dahil sa umano'y kakulangan niya ng pagbibigay ng tulong na legal kay Veloso na nahaharap sa kasong drug trafficking.
Nakakulong si Veloso matapos mahulihan ng heroin sa paliparan ng Indonesia.
Isinalang sa death row ang Pinay ngunit masuwerteng nabigyan ng palugid ilang minuto bago ang nakatakdang pagbitay sa kaniya.
- Latest