BOC nag-sorry na sa OFWs
MANILA, Philippines - Nag-sorry na rin kahapon si Bureau of Customs Commissioner Alberto Lina sa mga overseas Filipino workers dahil sa kontrobersiyal na polisiya na buksan ang mga “balikbayan boxes” bagaman hindi ito natuloy matapos umani ng matinding batikos.
Inimbestigahan kahapon ng Senate Committee on ways and means ni Sen. Sonny Angara ang isyu ng balikbayan boxes.
Kinuwestiyon ni Angara kung inaamin na ni Lina ang kanilang naging pagkakamali lalo na ang akusasyon na may mga nagsisingit umano ng kontrabando katulad ng baril at droga sa mga balikbayan box.
Ayon kay Lina hindi rin niya gustong nasisira ang pangalan ng mga OFWs dahil may mga kamag-anak at kapatid rin siyang nagta-trabaho sa ibang bansa.
“Ang tinutukoy ko ay yong ginagamit ang pangalan ng Balikbayan at mga OFWs. I bleed for them. I have relatives who are OFWs. My sister is an OFW at Oman,” ani Lina.
Sinabi ni Lina na humihingi siya ng sorry at hind naman nila gugustuhing tapakan ang mga OFW.
“Ako ho ay nagso-sorry…hindi ko naisip na mayroon ho kaming natapakan diyan. Hindi naman kami nantatapak sa mga OFWs. I give my 200% support for them,” ani Lina.
Lumabas din sa pagdinig na walang record ang BOC na tutukoy na may mga balikbayan box na nagamit para sa pagpupuslit ng ilegal na droga o baril.
Iginisa ng mga senador si BOC Intelligence chief Jessie Dellosa ng wala itong maipakitang record na ginagamit ng mga OFWs ang mga balikbayan box sa pagpupuslit ng droga at baril.
Wika naman ni Sen. Bongbong Marcos dapat lamang humingi ng public apology ang BOC dahil nabahiran ang reputasyon ng mga OFW dahil sa nasabing pahayag ng ahensiya.
Wala aniyang employer na gugustuhing kumuha ng trabahador na posibleng gumagawa ng krimen.
- Latest