Briefing minadali dahil sa Aldub fever
MANILA, Philippines – Maagang tinapos ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda ang briefing sa reporter kahapon dahil sa “Aldub” fever ng Eat Bulaga sa GMA Channel 7.
Tumagal lamang ng 30 minuto ang regular media briefing ni Lacerida na sinimulan bandang ala-1:00 ng hapon upang makahabol na mapanood ang “Aldub” sa Kalye Serye segment ng Eat Bulaga.
“It’s Aldub time na,” wika pa ni Lacierda matapos nitong tapusin ang regular media briefing sa New Executive Building ng Malacañang.
Ilang tanong lamang mula sa media ang direktang sinagot ni Lacierda particular ang tungkol kay Vice-President Jejomar Binay at ang ukol sa kautusan ni Pangulong Aquino sa PNP-HPG na pangunahan ang paglutas sa trapiko sa EDSA.
Magugunita na noong unang maupo si Lacierda sa Aquino government ay inamin nitong kaya sila (Usec. Abigail Valte, Usec. Manolo Quezon at dating Sec. Ricky Carandang) na-late sa media briefing ay dahil kumain muna sila ng ‘kambing’ sa Vincent restaurant malapit sa Nagtahan gate ng Malacanang na rekomendado sa kanila mismo ni Pangulong Aquino.
- Latest