De Lima ‘di magre-resign!
MANILA, Philippines – Itinanggi ni Justice Secretary Leila de Lima ang mga ulat na siya ay magbibitiw na sa puwesto kasunod ng mga panawagan sa kanya ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC).
“I will resign in due time, siguro alam niyo naman po ang due time na yan. I don’t want to be very categorical about it. “Magri-resign ako kung talagang nakapag-decide na ko 100% kung sasali na ko sa senatorial race… you know kung kelan yun,” dagdag pa ng kalihim.
Naging maingat naman si de Lima sa pagbibigay ng komento sa isyu ng INC dahil sa pangambang hindi maintindihan ang kanyang pahayag at siya ay ma-misquote.
Sa ngayon aniya ay walang dahilan upang bumaba siya sa puwesto.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na walang deal na naganap sa pagitan ng gobyerno at mga nagprotestang miyembro ng INC matapos na kusang kumalas ang mga ito sa rally sa Mandaluyong.
Siniguro naman ni Communications Sec. Sonny Coloma na patuloy ang isasagawang imbestigasyon ng DOJ sa inihaing reklamo ng itiniwalag na INC minister na si Isaias Samson Jr.
“Walang pagbabago sa sitwasyon. Patuloy ang pagpapairal ng rule of law,” paniniyak ni Coloma.
“Buo ang tiwala at kumpiyansa ng Pangulo kay Sec. de Lima,” wika pa ni Coloma.
Matatandaan na nagsagawa ng protesta ang INC dahil umano sa special treatment ni de Lima sa kasong isinampa ni Samson laban sa Sanggunian ng sekta.
Nagtapos ang protesta ng INC noong Lunes sa Shaw blvd. kung saan sinimulan ito noong Huwebes ng hapon sa harap ng DOJ sa Padre Faura saka lumipat sa Edsa.
- Latest