PNoy, Abad iniimbestigahan na sa DAP
MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na rin ng Office of the Ombudsman sina Pangulong Aquino, Budget Sec. Butch Abad at iba pang opisyal na umano’y sangkot sa pagbuo at implementasyon ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa pagdalo nito sa budget hearing ng House Committee on Appropriations na nagsasagawa na sila ng moto propio investigation sa DAP kasabay ng pagsisiyasat sa mga reklamong naihain sa kanilang tanggapan kaugnay dito kung saan sina Pangulong Aquino, Abad at iba pa ang respondent.
Sa katunayan umano ay mayroon na siyang nire-review na bahagi ng investigation report kaugnay ng DAP complaints.
Subalit ngayon ay hindi pa umano niya isasapubliko ang report na ito dahil hindi ito kalakaran sa Ombudsman.
Nilinaw pa ni Morales na naglalabas lamang sila ng desisyon kung approved for filing ang kaso base sa mga natuklasan nila sa isinagawang imbestigasyon.
Magugunitang naideklara kamakailan ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP.
Sinasabi dito nina Associate Justices Antonio Carpio at Arturo Brion na dapat managot sina Aquino at Abad sa ginawang pagpayag na maimplementa ang DAP.
Noo’y sinabi ni Carpio na dahil sina Aquino at Abad ang nag-apruba at nag-isyu ng NBC 541 para sa DAP ay maikokonsidera silang may akda ng naipatupad na programa.
“As authors of the unconstitutional act, they have to answer for such act,”yon kay Justice Carpio.
Sinasabi naman ni Brion na kung naipatupad ang DAP in good faith, si Aquino at Abad ay mapoprotektahan ng doktrina para rito.
- Latest