Witness vs Binay may P2-M cash advance
MANILA, Philippines - Dapat atasan ni Makati Acting Mayor Romulo Peña Jr. si Makati Action Center officer-in-charge Arthur Cruto na bayaran o isoli ang P2 milyong unliquidated cash advances nito noong taong 2004 at 2005.
Ito ang panawagan ng kampo ni Vice President Jejomar Binay kay Peña kaugnay ng pagkabigo umano ni Cruto na magsumite ng liquidation document para sa dalawa nitong cash advance may 10 taon na ang nakakaraan.
Ayon kay Joey Salgado, media affairs office ng Office of the Vice President, hanggang noong Agosto 26, 2015 hindi pa naisusumite ni Cruto ang naturang mga dokumento batay sa rekord ng city accounting department ng Makati City.
Ipinaliwanag sa pahayag ni Salgado na umabot sa P2,120,600 ang naturang cash advance ni Cruto na dating executive assistant ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado. Isa rito ang P1,820,000 noong Agosto 2004 para sa pagdiriwang ng Araw ng Makati 2004. Ang iba pa ay para sa A.R.I.S. seminar noong Abril 2005 na nagkakahalaga ng P300,600.
Dapat anyang atasan ni Peña si Cruto na tumalima sa mga patakaran ng pamahalaan sa mga cash advance at isumite ang lahat ng mga kinakailangang dokumento para ma-liquidate ang halagang P2,104,102.90. Nakapag-liquidate lang umano si Cruto ng P16,497.10 para sa kanyang pangalawang cash advance para sa seminar noong 2005.
Nang manungkulan si Peña bilang acting mayor, itinalaga niya si Cruto na mamuno sa MAC na may katungkulang magsagawa ng survey sa mga senior citizen sa Makati City.
Kamakailan lang ay nagbigay ng testimonya si Cruto sa Senate Blue Ribbon subcommittee hinggil sa mga ghost senior citizen na bumubuo sa halos kalahati ng kabuuang BLU card beneficiaries batay sa paunang survey ng mga tauhan ng MAC sa dalawang barangay.
Gayunman, kinuwestyon ng dating hepe ng Makati Social Welfare Department na si Ryan Barcelo ang paraang ginamit ng MAC sa pagsasagawa ng survey dahil marami umanong diperensiya sa ‘audit’ procedure.
Sinabi ni Barcelo na hindi malinaw kung nagsagawa ng tamang validation of data ang survey team ng MAC tulad ng collateral interview sa mga kamag-anak at kapitbahay para maberipika kung tagaroon nga ang taong nakalista bilang Blu card member.
Pinuna pa ni Barcelo na walang ipinakitang documentary evidence si Cruto para suportahan ang bintang niya na puro “ghost” ang 45 porsiyento ng mga senior citizen.
- Latest