Mga klase sinuspinde
MANILA, Philippines – Sinuspinde ng mga lokal na pamahalaan ang klase nitong Sabado sa maraming lugar sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Ineng na pinatindi pa ng southwest monsoon na patuloy na humahagupit sa Northern Luzon.
Sa report na ipinarating kahapon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nasuspinde ang klase sa lahat ng antas ay ang mga eskuwelahan sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Marikina, Pasay, Muntinlupa, Parañaque, San Juan at Quezon City. Gayundin ang lalawigan ng Cavite na dumaranas rin ng paminsan-minsan pero malalakas na pagbuhos ng mga pag-ulan.
Kabilang naman sa mga unibersidad at kolehiyo na nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa sangay nito sa Metro Manila, Pamantasan sa Lungsod ng Valenzuela, Valenzuela City Polytechnic University, City of Malabon University, City of Malabon Polytechnic Institute, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Adamson University.
Nakansela rin ang klase sa lahat ng antas sa Bulacan State University at sa Cordillera Administrative Region ay ang University of Baguio sa lahat rin ng level. Nakansela rin ang klase sa Mathematics Teachers Association of the Philippines (MTAP) sa mga lungsod ng Valenzuela at Navotas.
- Latest