Magtatapon ng basura sa Pasig River kulong
MANILA, Philippines - Isinusulong ni Quezon City Rep. Kit Belmonte na patawan ng mabigat na parusa ang mga magtatapon ng basura sa ilog Pasig.
Sa House Bill 5641 ni Belmonte, pagkakakulong ng isang taon hanggang tatlong taon at multang P10,000 hanggang P50,000 ang ibibigay sa mga lalabag sa sandaling ito’y maisabatas.
Sinabi ng kongresista na ang sobrang pagtatambak ng basura sa Pasig River ang isa sa dahilan ng sobrang polusyon nito, pagbaba ng kalidad ng tubig ng ilog at pagbabara sa daloy nito.
Nakasaad sa panukala ang pagtatag ng Pasig River Rehabilitation and Development Authority na magpaplano para paangatin ang kalidad ng tubig at sawatain ang polusyon sa Pasig River Basin System.
Paliwanag pa ni Belmonte, bago ang matinding polusyon ay mayroong 25 iba’t ibang uri ng isda at 13 uri ng halaman ang nabubuhay sa Pasig River subalit pagpasok ng 1997 ay anim na species ng isda at dalawang klase ng halaman na lamang ang natagpuan dito.
- Latest