Ampatuan dinismis
MANILA, Philippines - Dinismis ni Ombudsman Conchita Carpio Morales mula sa serbisyo si Governor Zaldy Ampatuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ito ay makaraang mapatunayan ng Ombudsman na si Ampatuan ay liable sa kasong Serious Dishonesty at Grave Misconduct may kinalaman sa bigong pagsusumite ng kanyang assets sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) mula taong 2000 hanggang 2009.
Dahil hindi na nito mararanasan ang parusang pagsipa sa puwesto dahil nananatili itong nakakulong sa Bicutan jail dahil sa kasong 57 counts ng murder kaugnay ng Maguindanao massacre, inatasan ng Ombudsman na pagmultahin na lamang ito ng kapareho ng sahod sa isang taon, pagkansela ng kanyang eligibility, pagtanggal sa retirement benefit, at hindi na maaaring maupo sa alinmang tanggapan ng gobyerno at pinagbabawalang kumuha ng civil service examinations.
Batay sa isinagawang lifestyle check investigation ng Ombudsman, napatunayan na si Ampatuan ay bigong ideklara ang kanyang 14 na real estate properties na may halagang P12,336,416.90 na nasa Davao, Cotabato at Makati.
Bigo din si Ampatuan na ideklara ang pagmamay ari sa kanyang 15 sasakyan na may halagang P25,476,116.00 at ang 26 na armas na may halagang P5,914,000.00.
Sinasabing kagimbal gimbal ang pagkakaroon ng mga ari arian ni Ampatuan na hindi makukuha sa sahod ng isang gobernador sa loob ng walong taong panunungkulan sa puwesto.
- Latest