Ambulance driver nalo ng P9M sa lotto
MANILA, Philippines - Isang driver ng ambulansiya ang pinakabagong miyembro ng millionaire’s club ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos kubrahin nito ang napanalunang P9 million sa March 23 lotto draw.
Sinabi ni PCSO acting chairman at general manager Jose Ferdinand Rojas II, ang 35-anyos na ambulance driver mula sa Maynila ay kinuha na ang P9 milyon nitong jackpot prize matapos tamaan ang kumbinasyon 05-08-10-11-30-35 noong March 23 6/45 lotto draw.
Sinabi ng winner kay GM Rojas, hindi na siya ngayon makikipaghabulan kay kamatayan bilang driver ng ambulansiya dahil bibili na lamang siya ng van para magamit niya sa kanyang shuttle business.
Bibili din ng house and lot at maglaan para sa kinabukasan ng kanyang 5 anak ang driver na plano na ngayong mag-file ng early retirement.
Sa halagang P40 na taya mula sa pinagsama-samang birthdates at edad ng kanyang mga anak ang tinamaan niyang kumbinasyon.
“Masyado pong stressful and trabaho ko sir, bilang driver ng ambulance. Para ho akong nakikipaghabulan kay kamatayan. Hindi lang ho sa sakay kong patient, pati na din ho buhay ko. Kaya mabuti na lang at may lotto ang PCSO Sir, matatahimik na din ako sa aking bagong trabaho, pati na ang pamilya ko,” wika pa ng winner matapos iabot ni GM Rojas ang tseke sa PCSO head office sa Mandaluyong City.
- Latest