BI: Murad, Iqbal posibleng gumagamit ng ibang pasaporte
MANILA, Philippines - Posible umanong gumagamit ng ibang pangalan sa kanilang pasaporte sina Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad at chief peace negotiator nito na si Mohagher Iqbal.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI)spokesperson Elaine Tan, wala silang naitatalang pagbiyahe ng dalawa.
Sinabi ni Tan na negatibo ang resulta ng travel records ng dalawa na nangangahulugang hindi talaga bumiyahe sa labas ng bansa sina Murad at Iqbal o kaya nama’y gumagamit ang mga ito ng ibang pangalan sa kanilang pasaporte.
Kamakailan, naglabasan ang mga alegasyong gumagamit ng Malaysian passport ang dalawa dahil pareho umanong Malaysian citizen ang mga ito.
Mariin naman itong itinanggi ng MILF.
Kasalukuyang nasa proseso ng usapang pangkapayapaan ang MILF at gobyerno ng Pilipinas kung saan nilalayong magtatag ng isang autonomous Bangsamoro region kapalit ng umiiral na Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
- Latest