Mga chefs, magtitipon sa Albay para sa DMF 2015 food festival
MANILA, Philippines – Magtitipon sa Albay sa Abril 27-29 ang kilala at sikat na mga chefs sa Pilipinas para sa isang ‘creative culinary showdown’ na naglalayong makalikha sila ng mga bagong putahe hango sa mga paboritong lutong Bikol.
Bibigyan ng labanan ng higit na malinaw at malawak na papel ang mga putaheng Bicol sa pagpapalago ng turismo ng rehiyon. Ito ay gaganapin sa Penaranda Park sa harap ng Kapitolyo dito bilang tampok sa bahagi ng 2015 Daragang Magayon Festival (DMF15) na gaganapin sa buong buwan ng Abril.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang proyektong labanan ng mga chefs ay suporta din sa kampanyang ‘Flavors of the Month’ ng Department of Tourism (DOT), habang pinatataas nito ang antas ng mga lutong Bicol na mahalaga sa pagpapasulong ng turismo sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Salceda na ang pagkain ay hindi lamang maliit na sangkap ng industriyang turismo kundi isang industriyang hiwalay na nagbibigay ng naiiba at hindi nalilimutang karanasan sa dila ng mga turista, Pilipino man o banyaga.
“Ang mga putaheng Albay ay tiyak na karakter ng Pacific at Asia. Ang sangkap na gata ng niyog, sili, pili, at dahon ng gabi at kamote ay nagbibigay ng natatanging lasa ng pagkain sa bansa.”
Ang Albay ang may pinakamalaking ani ng pili at pangalawa sa kamote. Ang gabi naman ang pangunaheng sangkap sa pinangat.
Ang Daragang Magayon Festival ay taunang pista ng Albay na malaki ang naitutulong sa pagpapalago sa turismo ng lalawigan at buong Bicol.
- Latest