Sa black sand mining, DENR pinabubusisi sa Senado
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ng grupo ng agricultural stakeholders sa Senado ang umano’y posibleng pakikipagsabwatan ng Department of Environment and Natural Resources sa iligal na pagmimina ng black sand sa kahabaan ng baybayin ng Lingayen, Pangasinan.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura President Rosendo So, ipadadala nila ang sulat kay Sen. Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, para maisailalim sa imbestigasyon ang DENR dahil sa kawalan nito ng aksiyon laban sa iligal na black sand mining sa nasabing lalawigan.
Binigyang-diin pa ni So na dapat na alisin agad ng DENR ang itinayong pader sa proyekto ng provincial government nito na 18-hole golf course. Sa likod na pader na ito umano nagaganap ang iligal na pagmimina ng magnetite. Kinuwestiyon din ng grupo ang DENR sa hindi nito pagkibo sa kabila ng pagkakaalam na hindi naman sakop sa ipinalabas nitong ECC ang pagtatayo ng naturang pader.
Samantala, sa ipinadalang sulat ng isa pang complainant na si Rolando Rea sa DENR, sinabi nito na dapat na i-auctioned o ibenta na lang ang nakuhang black sand ng mga kompanyang Alexandra Mining and Oil Ventures Inc. at Xypher Builders Inc. Ang mapagbebentahan ay maaari pa aniyang gamitin sa pagpapaunlad ng mga apektadong barangay gaya ng Sabangan, Malimpuec, Capandanan at Estanza.
Nakakuha na umano ang Xypher Builders Inc., ng 1,000 metrikong tonelada ng black sand mula sa Lingayen at ipinuslit ito sa Sual port. Ang naunang reklamo ni Rea ay nagresulta na sa pagkakasibak nina provincial administrator Rafael Baraan at Alvin Bigay, opisyal ng Provincial Housing Urban Development Council Office dahil sa kasong grave misconduct kung saan pinagbawalan na rin ang mga ito ng Ombudsman na makapasok sa ibang ahensiya ng gobyerno.
- Latest